Ang Radyo ng Iskolar ng Bayan
ni Catherine Cas
Talagang hindi papahuli sa anumang larangan ang Kolehiyo ng Komunikasyon. Isang patunay na nga rito ang pangangasiwa nito sa opisyal na istasyon ng radyo ng Polytechnic University of the Philippines - Ang DZMC 98.3.
Noong Oktubre 2005, sa pangunguna ni G. Alberto C. Torres (BBrC graduate ng PUP), napasimulan ang mumunting detalye sa pagtatatag ng radyo ng iskolar ng bayan. At makalipas lamang ang halos isang taon ng pagpaplano at paghahanda, sa tulong na rin ng dating DBC Chairperson na ngayon ay Dean na ng kolehiyo na si Edna T. Bernabe, malayang naisasaere ang sigaw ng bawat iskolar.
Tanging mga basic equipment lamang ang mayroon ang istasyon. 1 mikropono, 1 headset, 1 audio console, 1 exciter at 2 computer. Pero hindi ito hadlang para makapaghatid ng mga programang hindi lamang nakalilibang kundi siksik pa sa impormasyon. Sa ngayon ay madalang na lamang ang operasyon ng nasabing istasyon. Ang lisensya nito ay patuloy pa ring inilalakad sa NTC. Matatagpuan ang nasabing istasyon sa loob ng COC Library sa ikalawang palapag ng kolehiyo.
Sa pagtutulungan at pagsusumikap, hindi malayong balang araw ang 15 metro-kwadradong sukat ng istasyon ay sampung beses pang higit nito. Ang kakaunting mga kagamitan ay maaaring maging doble o di kaya maging triple. At ang madalang na pag-ere nito ay maaaring maging madalas pa kaysa sa araw-araw.
Bagamat salat sa kagamitan at maliit ang espasyong kinalalagyan, nag-uumapaw naman ito sa kakayahan at determinasyon ng mga estudyante at mga propesor. Dahil walang imposible lalo na sa tulad ng Kolehihiyo ng Komunikasyon na tahanan ng talino at diskarte!
photo: http://upload.wikimedia.org/wikipedia/en/c/c0/DZMC-FM_98.3.png
video: http://www.youtube.com/watch?v=B2IC7XyzRak
Credits to
www.youtube.com
DZMC Manual