MAGBUHAT AY DI BIRO
(Mga bagong upuan: Tulong mula sa CHEd)
Ni Rose Ann Aban
Taong 2010 nang ako’y maging opisyal na mag-aaral ng Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas. Bagong kaklase, bagong guro, bagong sistema at panibagong takda ng buhay.
Sa unang araw ko rito sa Kolehiyo ng Komunikasyon sa nasabing unibersidad, sabik na sabik pa akong pumasok. Papasok na sana ako sa loob klase nang may kumalabit sa akin…
“Ate, kumuha ka na lang ng upuan sa loob ng kwarto, ubos na po kasi.”
Sa unang pagkakataon, nakabuhat ako ng sariling upuan at dinala ko pa sa may bandang dulo ng klasrum. May higit sa animnapu kami noon at mahigit nasa sampu ang naubusan ng upuan at nagbuhat nito.
Ang pakiramdam na magbuhat ng upuan sa gitna ng klase? Kakaiba! Ang magbuhat ay ‘di biro! Ang tingnan ka ng mga bago mong kaklase dahil ikaw na lang ang hinihintay nila bago magsimula ang klase (kung minamalas ka nga naman at dumating pa ang propesor). Sa susunod magmadali ka na para hindi na ikaw ang mabiktima ng kakulangan sa upuan at ikaw naman ang titingin sa kaklase mo na nagbubuhat ng upuan.
Ngunit ang mga karanasang iyon ay hindi na muling mararanasan ng mga susunod na mag-aaral ng unibersidad (sayang naman!). Bakit? Dahil na rin sa tulong ng Commission on Higher Education, nagkaroon na ng mga bagong upuan ang unibersidad simula pa nung Setyembre 5, 2012.
Walang sinuman sa aming kolehiyo ang hindi nakapansin kaagad at natuwa sa bagong-bagong magkakapatong na mga upuan. Naglibot-libot pa ang mga opisyal ng CHED sa mga piling lugar ng kolehiyo at nakipagdaupang palad sa mga miyembro ng faculty.
-brand new chairs given by CHEd to COC